SUKDULAN NA ANG PAGTITIMPI: PALAYASIN ANG TAMBALANG MARIO ESTRELLA-KEVIN KIM SA DAEDUCK!

Ano at Sino-Sino ang dahilan ng lahat ng kaguluhan at ng umiiral na sigalot sa ating pagawaan? Bakit nga ba kailangang humantong ang unyon sa welga? Mapipigilan pa ba ang welga?

Ang Tambalang Mario Estrella (MaEL) at Kevin Kim (KeKi) ang mga direktor na lumilikha ng umiiral na sigalot sa pagitan ng mga manggagawa at ng DDPI management. Sila ang mapanganib na "riding in tandem" na pumapatay sa hanapbuhay at sa mga karapatan nating mga manggagawa. Kasabwat at katuwang nila ang nagkukunwang makamanggagawa na FUR-TUCP, ang grupo ng mga taksil at huwad na mga opisyales sa pamumuno ni Zaldy Peji at Ferdinand Sornes, at ang mga kilalang maka-management na mga opisyales ng DOLE.

Tumulong na ang kagalang-galang na gobernador ng Kabite na si Jonvic Remulla para maayos ang sigalot sa pagitan ng ating unyon at ng DDPI Management subalit kagaya ng inaasahan nating mga manggagawa, di pinakinggan ng tambalang MaEL at KeKi ang gobernador ng Cavite. Bagkos nilabag pa nga ng tambalang MaEL at Keki ang naging kasunduan sa gobernador na "no retaliatory actions" nang tanggalin sina pangulong Romeo Elcano at siyam (9) na iba pang opisyales ng ating unyon. Tinanggal din ang mga skilled na manggagawang kontraktwal na nagsilbi na sa DDPI sa loob ng maraming taon dahil nagsampa sila ng kaso para maging regular. Wala nang kinikilalang batas ang Daeduck management o ang tambalang MaEL at Keki. Para sa dalawang ito, PERA NAMAN NG DAEDUCK ANG GINAGASTOS AT HINDI SARILI NILANG BULSA.

Ang sigalot sa pagitan ng unyon at ng DDPI Management ay panimulang nag-ugat sa di pagkilala ng tambalang MaEL at Keki sa mga opisyales ng ating unyon na nakipag-CBA sa kompanya. Ang sabi ng mga duling na direktor na sina MaEL at Keki, dalawa daw ang unyon! Gayong walang ibang unyon sa Daeduck kundi ang Daeduck Employees’ Union (DEU). Ang totoong usapin ay, ayaw igalang ng DDPI management ang disaffiliation ng DEU sa FUR-TUCP. Wala ng FUR-TUCP sa DDPI mula nang mag-disaffiliate ang DEU at di kwestiyunin ng FUR-TUCP ang ginawang disaffiliation ng DEU.

Sina Peji, Sornes at ang iba pa ay hindi mga opisyales ng FUR-TUCP. Sila ay mga taksil na opisyales ng ating unyon na bahagi ng sindikato ng tambalang MaEL at Keki at ni Art A. Bacea ng FUR-TUCP. Ang sindikatong ito ang tanging nakikinabang sa mga benepisyo at salapi ng ating CBA. Patuloy na nakikipagsabwatan ang FUR-TUCP sa tambalang MaEL at Keki dahil mawawalan sila ng P50 kada buwan na limos o federation dues.

Ang mga taksil na sina Peji, Sornes at iba pa ay kinakasangkapan ng management para palabasin na mayroong dalawang unyon. Walang kahihiyang nanunungkulan ang mga taksil na ito bilang mga huwad na pangulo at pangalawang pangulo ng unyon dahil inihalal sila ng tambalang MaEL at Keki. Nagsasabwatan ang sindikatong ito katuwang si DOLE Med-arbiter Molina, na kilalang malapit sa mga management ng kompanya, para i-undermine ang isyu ng disaffiliation at kanilang pinatatampok ang diumano ay violation ng CBA dahil sa pagbubuo daw ng bagong unyon, ang DEU-independent, para i-justify ang ginawang termination sa mga union officers.

Maging ang mga manggagawang kontraktwal ay di rin naging ligtas sa kontra-manggagawang hangarin ng tambalang MaEL at Keki. Nitong Oktubre ay sunod-sunod na pinagtatanggal ang mga manggagawang kontraktwal na ang iba sa kanila ay umaabot ng humigit-kumulang anim (6) na taong paninilbihan sa kompanya. Hindi ang dahilan ng pagtatanggal ay mababa ang performance nila kundi nagsampa sila ng reklamo sa DOLE para ituring na REGULAR na mangagawa sa DDPI. Sa katunayan ay tama po ang kanilang ipinaglalaban, dahil walo sa nagsampa (Crispin Recto, et al) ay dinesisyunan ng DOLE na mga manggawang regular ng Daeduck, ngunit tinanggal pa rin sila ni Mario Estrella. Ipinagkakait ng DDPI management ang karapatan sa regular na hanapbuhay ng mga manggagawa para madurog na ng lubusan ang unyon at mas makatipid sa pagbabayad ng dagdag na mga benepisyo na ipinagkakaloob lamang sa mga regular na manggagawa.

Ginugulo ng tambalang MaEL at Keki ang isipan ng mga manggagawa. Pati ang mga nagtaksil na dating kasamahan daw ni "Ka Roger" na nagbalik-loob na kay Mario Estrella ay ginagamit na rin para maghasik ng takot at panlilinlang sa hanay ng ating unyon habang nalalapit ang paglulunsad ng nakaambang welga natin. Laging nakahandang magbayad ang tambalang MaE at Keki sa mga taong kagaya ng nagpakilalang si Lito Alcover, pero ayaw namang itaas ang ating sahod at dagdagan ang benepisyo. Sinasabi nilang ilegal ang ating mga ginagawa. Pero, bakit nababahala ang tambalang MaeL at Keki sa iligal at mali pala nating ginagawa? Di kaya ang ginagawa ng tambalang MaEl at Keki ang mali at ilegal?

Mga kamanggagawa, nasa pinakamataas na interes ng ating kagalingan at karapatan ang ilulunsad nating welga. Ito ay welga laban sa pagdurog ng ating unyon at para sa tunay na maka-manggagawang CBA. Ibig sabihin, ang pagpapabalik sa mga tinagggal na opisyales ang pangunahing dahilan ng welga. Dahil ang pagpapabalik sa kanila ang magtitiyak na mawawakasan na ng mga manggagawa ang "sweetheart contract" na ginagawa ng FUR-TUCP sa ating CBA.

Welga din ito laban sa iligal na Labor-only Contracting na ginagawa ng Daeduck at Maximum Solutions. Bagaman ang lahat ng manggagawang kontraktwal ay matatanggal sa pagtatapos ng kontrata ng Maximum at DDPI sa January 2012, magpapatuloy ang iskemang kontraktwalisasyon sa loob ng kompanya.

Ang isasagawa nating welga ay para din gisingin ang Korean top Management ng DDPI sa pamumuno ng ating bagong CEO/President Lee Hee Joon na panahon na para magkaroon ng MANAGEMENT SHAKE UP. Sina Mario Estrella at Kevin Kim ay hindi mga solusyon, ang tambalang ito ang kasalukuyang suliranin at tagalikha ng suliranin na paulit-ulit na susulpot sa pagitan ng DDPI at ng unyon.

Ibalik sina pangulong Romeo Elcano at ang iba pang mga tinanggal na opisyales ng ating unyon, at ang mga tinanggal na skilled na manggagawang kontraktwal! Palayasin ang kontra-manggagawang tambalang Mario Estrella at Kevin Kim sa Daeduck!

Ang kagyat na pagpapabalik na walang anumang kondisyon kina Romeo Elcano at sa lahat ng mga opisyales na tinanggal ang tanging makakapigil sa ating welgang ilulunsad.

Ligal at nakatuntong sa makatwirang kahilingan ang usaping lulutasin ng ating welga. Kaya, Tuloy ang Welga! Anumang araw at oras ay ihuhudyat ang paglulunsad nito. Maghanda na mga kasamang manggagawa! Makisangkot at kumilos ang lahat, regular man o kontraktwal, kasapi man o di-kasapi ng unyon, para ipagtanggol ang mga karapatan at kagalingan natin sa paghahanapbuhay. Ngayon na ang panahon para palayain natin ang ating mga sarili sa bulok na pamamalakad ng tambalang MaEL at Keki. Ito na din ang panahon upang wakasan ang sindikato ng FUR-TUCP sa ating unyon at CBA.

Magsama-sama tayong lahat para bigkisin ang tinig at lakas nating mga ng manggagawang taga-Daeduck. Mabuhay tayong lahat mga kamanggagawa.

WELGA, SAGOT SA PAGDUROG NG UNYON !

ISKEMANG KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN !

TAMBALANG MARIO ESTRELLA AT KEVIN KIM, SALOT SA MGA MANGGAGAWA NG DAEDUCK !

DAEDUCK EMPLOYEES’ UNION (DEU)

Oktubre 25, 2011

 

This free website was made using Yola.

No HTML skills required. Build your website in minutes.

Go to www.yola.com and sign up today!

Make a free website with Yola